PARTE NG RESIDENTIAL AREA SA DAGUPAN CITY, TINUPOK NG APOY

Matapos ang pananalasa ng Bagyong Uwan kagabi, isa namang matinding sunog ang tumupok sa ilang mga kabahayan ng isang residential area sa Arellano Street, Barangay Pantal, Dagupan City, kaninang tanghali.

Ayon sa ilang residente, mabilis na kumalat ang apoy dahil sa dikit-dikit at ang iba ay gawa sa light materials ang mga bahay sa lugar.

Karamihan sa mga nakatira roon ay kasalukuyang nasa evacuation center matapos lumikas dahil sa bagyo.

Sa kabila ng baha, kanya-kanyang salba ng gamit ang mga residente, ilan ay nagligtas ng kanilang mga alagang hayop, habang ang iba nama’y napatulala at napaluha sa sinapit ng kanilang tahanan.

Mabilis namang rumesponde ang Bureau of Fire Protection, CDRRMC, Panda Fire Volunteers, at Emergency Response Team upang apulahin ang apoy.

Ayon kay BFP Dagupan Chief Inspector Jun Wanawan, nahirapan ang kanilang mga tauhan na makapasok sa pinagmulan ng sunog dahil sa masisikip na daanan.

Sa ngayon, patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi at pinagmulan ng sunog.

Facebook Comments