Nilinaw ni House Committee on Legislative Franchises Chairman at Parañaque 2nd District Rep. Gus Tambunting na hindi ikukulong ng Kamara si Pastor Apollo Quiboloy kung haharap ito sa mga susunod na pagdinig at sasagot sa tanong ng mga kongresista.
Pahayag ito ni Tambunting makaraang patawan ng contempt at ipa-aresto ng komite si Quiboloy.
Sabi ni Tambunting, ang direktiba ng komite sa House Sgt. At Arms ay makipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) para hanapin si Quiboloy at dalahin sa Batasan Pambansa.
Ayon kay Tambunting, maaaring umuwi si Quiboloy pagkatapos nitong humarap sa pagdinig.
Binanggit din ni Tambunting na dahil lusot na sa committee level ang panukalang pagbawi sa prangkisa ng Sonshine Media Network International (SMNI) ay i-aakyat na ito sa plenaryo ng Kamara para isalang sa debate bago tuluyang ipasa.