Patubig Para sa mga Magsasaka, Libre Na!

Cauayan City, Isabela- Libre na ang patubig para sa mga magsasaka na nasasakupan ng National Irrigation Administration-Magat River Integrated Irigation System o ang NIA-MARIIS dito sa lalawigan ng Isabela.

Ito ang ibinahaging impormasyon ni ginoong Wilfredo Gloria, ang Department Manager ng NIA-MARIIS, kung saan libre na ang patubig para sa mga magsasakang mayroong walong lupaing ektarya pababa at hindi na rin umano sisingilin ng NIA ang mga natitirang balance ng mga ito sa Irrigation Fee.

Ito ay matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang RA 10969 o ang batas na nagsasabing libre na ang patubig para sa mga magsasakang nasa walong ektarya pababa ang lawak ng kanilang sakahan.


Kinumpirma rin ni ginoong Gloria na ang tanging magbabayad lamang sa patubig ay ang mga magsasakang mayroong lupaing nasa mahigit walong ektarya ang lawak, mga Corporate farms, at mga palaisdaan.

Ayon pa kay ginoong Gloria, nasa labing pitong bayan at dalawang lungsod dito sa Isabela ang kanilang binibigyan ng serbisyong patubig gaya ng bayan ng Alicia, Angadanan, Cabatuan, Luna, Naguilian, Reina Mercedes, Ramon, San Isidro, Cordon, Echague, San Mateo, Aurora, Burgoz, Quirino, Gamu, Roxas, San Manuel at lungsod ng Cauayan at Santiago.

Samantala, kanya ring inihayag na kasalukuyan pa rin ang kanilang isinasagawang pagsasa-ayos sa mga Irrigation Walls upang mabigyan pa ng sapat na patubig ang mga magsasaka dito sa lalawigan ng Isabela.

Facebook Comments