
Dumating na sa Pilipinas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos ang kanyang working visit sa New York.
Lumapag sa Maynila ang sinasakyang eroplano ng Pangulo dakong 11:29 ng gabi, Miyerkules, Marso 11.
Ayon sa Pangulo, naging produktibo ang kanyang pagbisita kung saan nanawagan ang Pilipinas ng kapayapaan sa gitna ng tensyon sa iba’t ibang bahagi ng mundo at nangampanya rin para sa kandidatura ng bansa sa United Nations Security Council para sa termino 2027–2028.
Sa kanyang mga pulong sa United Nations, iginiit din ng Pangulo ang kahalagahan ng rule of law, multilateralism, at mapayapang pagresolba ng mga alitan, habang binigyang-diin ang papel ng kababaihan sa pag-unlad ng lipunan.
Nakipagpulong din siya kay UN Secretary General António Guterres at sa ilang business leaders sa US, kung saan tinalakay ang posibleng pamumuhunan sa Pilipinas, kabilang ang planong pagtatayo ng medical glove manufacturing facility na maaaring lumikha ng mahigit 2,000 trabaho para sa mga Pilipino.
Sinabi ng Pangulo na magagamit ang mga bagong ugnayan at kaalaman mula sa biyahe upang mas mapalakas ang ugnayan ng Pilipinas sa ibang bansa at sa mga multilateral na organisasyon.










