Friday, November 20, 2026

PBBM, ipinagtataka ang mga kilos-protesta sa Pax Silica gayong wala pa namang pinal na kasunduan dito

Ipinagtataka ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga protestang inilunsad laban sa Pax Silica initiative dahil wala pa namang napagkasunduang kasunduan o napipirmahan ang Pilipinas kaugnay nito.

Sa press conference sa Shenzhen, China, sinabi ng pangulo na hindi niya maintindihan kung ano ang tinututulan ng mga nagpoprotesta gayong wala pang pinal na probisyon ang inisyatiba.

Nilinaw din ni Marcos na hindi data centers ang itatayo sa lugar na paglalaanan ng proyekto kundi mga pasilidad na nakatuon sa artificial intelligence (AI).

Ipinaliwanag ng pangulo na layunin ng Pax Silica na palawakin ang pinagkukunan ng mga teknolohiyang kailangan sa pagpapaunlad ng AI.

Binigyang-diin niya na hindi dapat maging taga-gamit lamang ng AI ang Pilipinas kundi dapat ding makilahok ang bansa sa mga pagpapasya kung paano pauunlarin ang teknolohiyang ito at kung paano ito makikinabang sa ekonomiya.

Giit ng pangulo, mahalagang makasabay ang Pilipinas sa pag-unlad ng AI dahil magiging malaking bahagi ito ng pandaigdigang ekonomiya sa mga susunod na taon.

Facebook Comments