Friday, November 20, 2026

Dagdag na proteksyon sa mga mangingisda ngayong Super El Niño, itinutulak ng isang senador

Isinusulong ni Senator Loren Legarda ang pagbibigay ng dagdag na proteksyon sa mga mangingisda na matagal na nagtatrabaho sa ilalim ng matinding init ng araw lalo ngayong panahon ng Super El Niño.

Bahagi ito ng 10-Point Policy Action Plan laban sa El Niño matapos na ilatag ng grupo ng mga mangingisda ang panganib na kanilang kakaharapin sa matagal na pagtatrabaho sa gitna ng matinding init.

Itinutulak ni Legarda na bigyan ng emergency first-aid kits na subsidized ng gobyerno ang mga maliliit na mangingisda para maprotektahan ang mga ito sa panganib sa kalusugan ng matagal na oras na pagbibilad sa araw tulad ng altapresyon, heatstroke at iba pang sakit.

Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng subsidiya ang mga mangingisda na first-aid kit na angkop sa mga emergency na dulot ng matinding tag-init habang nasa dagat at layon ding isama ang mga kagamitan para sa kinakailangang paglilisensya ng mga bangka sa hinaharap.

Binigyang-diin ni Legarda na kailangang samahan ng pagsasanay ang pamamahagi ng mga first-aid kit upang malaman ng mga mangingisda kung paano makikilala ang mga sintomas ng sakit na dulot ng init, ano ang dapat gawin sa oras ng emergency, at kailan kailangang humingi ng agarang tulong medikal.

Facebook Comments