Ipauubaya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Office of the Solicitor General (OSG) ang susunod na aksyon kaugnay sa utos ng Court of Appeals (CA) na tanggalin ang pangalan ni Leyte Congressman Vicente Veloso III sa drug list.
Sa isang statement, sinabi ng PDEA na nirerespeto nito ang pasiya ng CA at susunod ito sa sandaling nagawa na ng OSG ang lahat ng legal remedies.
Nanindigan ang PDEA na dumaan sa proseso ang kanilang drug list.
Sa katunayan umano, pagkaupong-pagkaupo sa puwesto ni Director General Wilkins Villanueva, iniutos nito na na i-validate at isailalim sa adjudication ang mga personalidad na nasa Inter-Agency Drug Information Database.
Mismong mga pinuno umano ng mga ahensya na miyembro ng Review, Evaluation and Management of Inter-Agency Drug Information Database (REMIDID) Committee ang nagpulong noong nakaraang buwan para pabilisin ang adjudication process.