Kalibo, Aklan— Ipinasiguro ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard na iimbestigahan nila ang nangyaring maritime accident na nangyari sa territorial waters na sakop ng Capiz na ikinasawi ng isang mangingisdang taga Kalibo. Ang naturang pahayag ay kasunod ng pagka-recover sa bangkay ng biktimang si Mr. Ricky Peralta alyas Rex 57 anyos residente ng brgy. Bachaw Norte kaninang umaga. Bagamat tumangging magpahayag sa ere, sinabi ng ilang personnel na naiulat na ang naturang pangyayari sa kanilang tanggapan dahilan para magtungo ang mga ito sa bayan ng Kalibo para alamin ang karagdagan pang detalye at pagkakakilanlan ng biktima. Maaalalang nangyari ang maritime incident dakong alas 12:30 ng madaling araw habang namimingwit ang biktima kasama ang dalawang iba pa sa karagatan sa pagitan ng Masbate at Capiz kung saan binangga ito ng isang barko na sa ngayon ay hindi pa matukoy. Maswerteng nakaligtas ang dalawang kasamahan nito na sina Gerald Retos at Leo Arilas matapos tulungan ng ilang mangingisda malapit rin sa lugar. Inihayag ng mga ito na sinubukan pa nilang tawagin ang atensiyon ng mga tripulante sa pamamagitan ng pag-flashlight sa bridge ng barko subalit nabigo ang mga ito. Dahil sakop ng lalawigan ng Capiz ang pinangyarihan ng insidente ang PCG Capiz na ang siyang bahala sa magiging imbestigasyon.
Philippine Coast Guard ipinasigurong iimbestigahan ang nangyaring maritime incident na ikinasawi ng isang mangingisda
Facebook Comments