Ping tagahanap ng katarungan sa mga biktima ng karahasan

Isang lingkod-bayan na may integridad, patas sa batas, at may malakas na hangaring ipaglaban ang mga karapatan ng bawat Pilipino.

Ito ang mga katangiang nakita ng mga magulang ng hazing victim na si Horatio ‘Atio’ Castillo III kay Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson kaya naman suportado nila ang batikang mambabatas para maging susunod na pangulo ng bansa.

Sa opisyal na “iPingTV” channel ni Lacson sa Facebook at YouTube, pinuri nina Horatio Castillo Jr. at kanyang misis na si Carmina ang pagiging patas at makatarungan ng mambabatas nang pangunahan niya ang imbestigasyon ng Senado hinggil sa pagkamatay ng University of Santo Tomas (UST) law student noong 2017.


“Integrity, that’s number one. When you want to get things done and gusto niyong gawin ‘yung tama, it’s very easy,” ani Castillo.

Binalikan ng ina ni Atio ang imbestigasyon na ginawa ni Lacson na aniya ay nagsiwalat ng katotohanan sa maagang pagkamatay ng kanyang anak. “‘Yung (committee) report na ginawa ni Senator Ping is concise, is totoo. Ginawa niyang investigation, ang ganda,” ayon kay Ginang Castillo.

Bilib din si Ginoong Castillo kay Lacson dahil sa karanasan niya bilang isang marangal at kinikilalang pulis, “Chief PNP, so Senator Ping is, I would say, very experienced.”

Naniniwala ang pamilya ni Atio kay Lacson bilang presidential candidate dahil sa makatuwiran niyang pagtingin sa batas, gayundin sa paniniwala ng batikang lingkod-bayan na “Ang tama, ipaglaban. Ang mali, labanan.”

Para sa mag-asawang Castillo, masuwerte ang mga Pilipino dahil nabibigyan tayo ng pagkakataon kada anim na taon na pumili ng isang lider katulad ni Lacson, na epektibong gagabay sa mga Pilipino bilang isang magandang ehemplo, magbibigay ng hustisya, mag-aalaga at ipaglalaban ang ating kapakanan at mga karapatan.

Hinimok nila ang bawat Pilipino na bumoto para sa kandidatong tunay na taglay ang mga katangian ng isang mabuting pinuno. “Whoever we pick will determine how the nation will proceed or go forward,” anila.

Ang nasabing imbestigasyon sa pagkamatay ni Atio ay nagbunga sa Anti-Hazing Law of 2018 na inakda at isinulong ni Lacson. Dahil dito, mayroon nang mas mabigat na parusa sa mga grupo at indibidwal na magsasagawa ng hazing.

Sa kaso ni Atio, sampung miyembro ng Aegis Juris fraternity ng UST ang inaresto at nakakulong ngayon sa Manila City Jail habang hinihintay ang hatol ng Manila Regional Trial Court. Mayroon ring nakabinbing disbarment case laban sa mga abogadong may kinalaman sa kanyang pagkamatay.

Facebook Comments