Binalaan ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG), ang publiko na mag-ingat sa pag-a-apply sa mga online job offer.
Ito’y matapos na maaresto ng mga tauhan ng Southern District Anti-Cybercrime Team (SDACT) ang 7 suspek na gumawa ng pekeng Facebook page ng isang lehitimong employment agency para makapambiktima ng mga aplikante.
Ayon kay SDACT Team Leader, PMaj. Franklin Lacana, matapos na gumawa ng pekeng Facebook page, ikinakalat ng mga ito ang employment offer sa iba’t ibang mga group chat.
Ang mga aplikante ay pinapupunta sa kanilang tanggapan para umano sa interview at hiningan ng ₱300 processing fee at ₱1300 na medical fee.
Kinilala ang mga naaresto na sina Kimberly Santillan, Rosalie Verceles, Lailani Bregoli, Mary Jane Cuevas, Zenaida Navarro, Mary Jane Reyes at Simone Louise Austria.
Ang mga ito ay nahaharap sa kasong paglabag sa computer related identity theft, swindling/estafa at paglabag sa Article 13 ng Labor Code of the Philippines ng may kaugnayan sa Section 6 ng RA 10175 o Cybercrime Prevention Act.