Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na mayroon silang sapat na pwersa na nakatalaga kasunod nang ginaganap na simultaneous Bar Examinations sa iba’t ibang panig ng bansa simula ngayong araw.
Ayon kay Spokesperson PCol. Jean Fajardo, bago pa man idaos ang Bar Exams ay may ugnayan na sila sa mga local government unit (LGU).
Dagdag pa ni Fajardo, ipinag-utos din ni PNP Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., sa mga regional director na i-maximize ang deployment ng pulisya sa mga designated testing centers.
Una nang sinabi ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na 500 kapulisan ang kanilang ipinakalat sa mga unibersidad na nagsisilbing testing centers sa buong Metro Manila kabilang na sa De La Salle University, San Beda University, Manila Adventist College, University of the Philippines – Bonifacio Global City Campus, at Ateneo de Manila University.
Ito ay upang tiyakin na agad na mare-respondehan ng mga otoridad ang anumang untoward incident na posibleng mangyari at upang siguraduhin ang kaayusan sa nabanggit na testing centers.