Panibagong impormasyon hinggil sa Percy Lapid killing, natuklasan ng DOJ

Kinumpirma ni Justice Secretary Crispin Remulla na may nakuha silang bagong impormasyon na lalo pang magdidiin kay suspended Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag sa Percy Lapid killing.

Ayon kay Remulla, absent si Bantag sa graduation ng persons deprived of liberty (PDL) sa Bilibid noong September 9.

Ang nasabing petsa aniya ay ang mismong araw na pumunta si Percy Lapid sa bahay ni Bantag sa Laguna para kunan ng video ang sinasabing malaking bahay nito at maraming mamahaling sasakyan.


Sinabi pa ni Remulla na base sa nakarating sa kanilang impormasyon sa sobrang galit ni Bantag ay umuwi ito sa kanyang bahay sa Laguna.

Sinabi ng kalihim na napakahalaga ng naturang okasyon subalit hindi sumipot si Bantag.

Lumalabas din aniya na September 15 inilabas ni Lapid ang video at September 17 sinimulan ang pagpaplano para patayin si Lapid.

Facebook Comments