
Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang monitoring at ang enforcement operations nito laban sa “paihi” ng gasolina pati na rin sa ilegal na pag-i-imbak nito.
Ito ay matapos madiskubre ng mga awtoridad ang imbakan ng mga diesel na walang kaukulang permit sa loob ng isang residential compound sa Quezon City.
Kung saan ang mga kapitbahay nito ang siyang unang nag-report ng kahina-hinalang aktibidad sa lugar na nagresulta sa pagkakadiskubre sa mga hindi markadong gasolina na nililipat sa maliliit na container mula sa tanker.
Dahil dito ay ay inatasan ni PNP Chief, Police General Jose Melencio C. Nartatez, Jr. ang National Capital Region Police Office (NCRPO) para masusing imbestigahan ang nasabing insidente.
Nagbigay din ito ng direktiba sa mga regional offices na paigtingin ang monitoring at intelligence -gathering sa kanilang mga nasasakupan para masugpo ang ganitong mga uri ng ilegal na aktibidad.
Kaugnay nito ay nakikipagugnayan na rin ang pulisya sa Department of Energy (DOE) para matiyak ang solid case build-up laban sa mga sangkot sa nasabing gawain.
Nanawagan naman si Nartatez sa publiko na manatiling mapagmatyag at i-report agad sa awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang mga lugar.










