
Pinalakas ng Philippine National Police (PNP) ang hakbang nito sa counter-intelligence sa lahat ng unit upang maiwasan ang espionage o pang-eespiya sa hanay ng kapulisan.
Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., gumagawa na ng mga proactive na hakbang ang kapulisan upang matiyak na ang lahat ng impormasyon, kabilang ang mga plano kaugnay ng kapayapaan, kaayusan, at pambansang seguridad, ay mananatiling protektado.
Nabatid na may tatlong Pilipino ang nasangkot sa isyu ng paniniktik para sa China, kung saan ang dalawa rito ay nagtatrabaho sa loob ng Department of National Defense (DND) at Philippine Navy, habang ang isa naman ay malapit umano sa isang opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG).
Binigyang-diin ni Nartatez na kahit na na-neutralize na ang espionage network sa bansa, nananatili pa ring proactive at vigilant ang organisasyon ng pulisya.
Dagdag pa niya, nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa National Security Council (NSC) at iba pang intelligence agencies upang mapahusay ang palitan ng impormasyon.
Nagpahayag din ng suporta si Nartatez sa posisyon ng NSC at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na palakasin ang legal at institutional frameworks na magpoprotekta sa pambansang seguridad sa gitna ng patuloy na nagbabagong banta, lalo na sa mabilis na ebolusyon ng teknolohiya.









