Ipinagtanggol ng mga economic manager ang pondong inilaan sa ‘Build, Build, Build’ sa ilalim ng P5.024 trillion 2022 national budget.
Depensa ni National Economic and Development Authority (NEDA) Sec. Karl Chua, hindi lang naman mga gusali, farm-to-market-roads, school buildings, mga tulay at kalsada ang nakapaloob sa proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan.
Aniya, kasama sa P1.180 trillion na pondo ng infrastructure programs ang mga health at isolation facilities na kakailanganin ngayong COVID-19 pandemic.
Inaasahang makakapag-generate rin ng 1.5 million na trabaho sa mga Pilipino ang infra projects na mahalaga para mabawasan ang mataas na unemployment rate sa bansa dulot ng pandemya.
Sinabi naman ni Budget Usec. Rolando Toledo na mananatiling top priority ng Duterte administration ang infrastructure development kaya naman asahang ‘in full swing’ ito sa 2022.
Aniya, ang multiplier effects ng BBB programs ay makakatulong sa muling pagbangon ng ekonomiya.