Paiigtingin pa ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang pagbabantay kahit pormal nang nagsara ang botohan para sa hatol ng bayan 2022.
Ito ang inihayag ni PNP Officer-In-Charge, Police Lt. Gen. Vicente Danao kasunod ng mga natatanggap nilang mga impormasyon hinggil sa mga personalidad na nagtatangkang manggulo.
Ayon kay Danao, ngayong lumalabas na ang partial and unofficial results ng halalan, lalo silang nagiging mapagmatyag lalo’t tukoy nila ang mga grupo o personalidad na nagnanais maghasik ng gulo.
Tiniyak ni Danao na may nakalatag na silang contingency plan sakaling mangyari ito ngunit umaasa siyang magiging maayos at mapayapa pa rin ang sitwasyon sa mga susunod na araw.
Batay sa impormasyong ipinarating ni PNP Director for Operations at Deputy Commander ng Security Task Force for the National and Local Elections na si Police Maj. Gen. Valeriano de Leon, may nagpaplano umanong magsagawa ng mala-People Power na pagkilos mula sa mga lalawigan at balak dalhin sa Metro Manila.