PRESYO NG ITLOG SA AKLAN, TUMAAS NGUNIT MALABONG UMABOT SA P15 KADA PIRASO

Kalibo, Aklan- Bahagyang tumaas ang presyo ng itlog sa lalawigan ng Aklan base sa price monitoring ng Office of the Provincial Veterinarian. Sa pahayag ni Dr. Joseph Lachica ng OPVET naglalaro sa P7-P8 ang halaga ng medium to large na mga itlog. Bagama’t tumaas, ay malabo naman umano itong umabot sa P15 kada piraso na nauna nang sinabi ng Agricultural Sector Alliance of the Philippines Inc. (AGAP) dahil sa mataas na production cost at pagtama ng bird flu. Aniya na lubos na maapektuhan nito ang ibang mga lugar na nag aangkat ng mga itlog lalo na sa bahagi ng Luzon. Dagdag pa ni Lachica na posibleng tataas na ang supply ng itlog sa Aklan matapos bawiin na ang executive order na nagbabawal sa pagpasok ng mga poultry products at iba pa sa Aklan. Sa katunayan ay may halos 475,000 na itlog ang nakatakdang dumating sa Aklan mula sa Batangas na pangunahing pinagkukunan maliban sa Central Luzon. Napag alamang tumaas na rin ang presyo ng manok dahil na rin sa mababang produksyon at mababang inventory mula rito sa probinsya. Para naman maiwasan ang pagkalat ng bird flu na naitala na sa Luzon at Mindanao, kinakailangang sumailalim sa test at magnegatibo sa nasabing sakit ang mga dadalhing poultry products papasok sa lalawigan.
Facebook Comments