
Nananatiling naka-full alert status ang Police Regional Office 13 para tumiyak ng seguridad sa nagpapatuloy na Palarong Pambansa 2026 sa Agusan del Sur na nagsimula kahapon, May 24.
Kung saan inaasahang dadaluhan ang nasabing aktibidad ng nasa 16 na libong mga delegado mula sa 18 rehiyon sa buong bansa.
Para masiguro ang 360-degree security coverage, nasa kabuuang 2,316 na mga Philippine National Police (PNP) Personnel mula sa iba’t-ibang operational units ang pinakikilos para sa billet at venue security, clearing operations, seguridad ng daloy ng trapiko, checkpoints, mobile at foot patrols, Tourist Assistance Desk at public safety services.
Dagdag pa sa nasabing bilang ang 355 personnel mula sa katuwang na mga ahensya kasama na dito ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (AFP), mga lokal na pamahalaan, Local Disaster Risk Reduction and Management Offices at iba pang mga force multipliers kasama pa ang 990 na mga volunteers na tutulong sa kaayusan at seguridad ng lugar.
Nagdeploy din ang PRO13 ng 111 mobility assets kasama ang SWAT at EOD-K9 units habang 55 Police Assistance Desks naman ang inilatag sa mga strategic areas.
Ayon kay PRO13 Regional Director PBGEN Marcial Mariano Magistrado IV, titiyakin ng pulisya na ang bawat atleta, delegado, at bisita ay makakaexperience ng payapa, ligtas at memorable na Palarong Pambansa sa CARAGA.










