Kalibo, Aklan – Panibagong tagumpay ang nakuha ng gobyerno probinsyal ng Aklan matapos itong kilalanin bilang isa sa mga napiling probinsya na nakatanggap ng “Beyond Compliant” rating. Ang beyond compliant rating ay itinuturing na siyang pinakamataas na award sa 23rd Gawad KALASAG Seal for Local DRRM Councils and Offices ngayong taon. Samantala, sa buong Region VI (Western Visayas), ang nakapasok lamang ay ang probinsya ng Aklan at Antique. Itinuturing bilang isang prestihiyosong award ang taunang Gawad Kalasag (KAlamidad at Sakuna LAbanan, SAriling Galing ang Kaligtasan) mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC). Ang award na ito ay ibinibigay sa mga siyudad, munisipalidad at probinsya na mayroong dedikasyon, solido na plano at aksyon pagdating sa mga oras ng sakuna, emerhensya, at pati na rin sa pagbigay ng humanitarian assistance. Base sa facebook post ni Aklan Governor Jose Enrique Miraflores, muling pinatunayan ng mga Aklanon sa buong bansa na tayo ay nagkakaisa sa pagiging handa sa oras ng sakuna at handa sa oras ng emerhensiya.
Facebook Comments