Tuesday, October 13, 2026

PROYEKTONG NURSEPATH NG UNIVERSIDAD DEDAGUPAN, PASOK SA TOP 30 NG ENACTUS PHILIPPINES NATIONAL COMPETITION 2026

Sa likod ng bawat makabagong ideya ay ang mga kabataang handang gamitin ang kanilang kaalaman upang makahanap ng solusyon sa mga pangangailangan ng komunidad.

Muling pinatunayan ng mga mag-aaral mula sa Pangasinan ang kanilang kakayahan matapos makapasok ang Universidad de Dagupan (UdD) sa Top 30 ng ENACTUS Philippines National Competition 2026 – Early Stage Track sa pamamagitan ng proyektong NursePath.

Sa tagumpay na ito, kinilala ang UdD bilang nag-iisang higher education institution mula sa Pangasinan na nakapasok sa Top 30 ng pambansang kompetisyon.

Pinangunahan ni Rance Adriel Pascua mula sa School of Health Sciences ang pagbuo ng NursePath, kasama sina Francine Nicole De Guzman at Jhomar B. Salazar mula sa School of Information Technology Education.

Sa pamamagitan ng kanilang pagtutulungan, pinagsama ng mga mag-aaral ang kaalaman sa pangangalagang pangkalusugan at information technology upang makabuo ng isang proyektong naglalayong magbigay ng makabuluhang solusyon.

Ang kanilang ideya ay kanilang ipinresenta sa naturang kompetisyon, kung saan nakasama ito sa mga proyektong nakapasok sa Top 30.

Higit pa sa pagkilala, nagsisilbing patunay ang tagumpay ng NursePath sa potensiyal ng mga kabataang Pangasinense na makalikha ng mga makabagong proyektong maaaring makatulong sa komunidad sa pamamagitan ng kaalaman, pagkamalikhain at pakikipagtulungan.

Para sa Universidad de Dagupan, isang malaking karangalan ang pagkakapasok sa pambansang kompetisyon, na nagbibigay-pugay hindi lamang sa pagsisikap ng mga mag-aaral kundi maging sa kakayahan ng mga institusyong pang-edukasyon sa Pangasinan na makibahagi sa pagbuo ng mga solusyong tumutugon sa mga pangangailangan ng lipunan.

Sa bawat ideyang nabubuo at kaalamang naibabahagi, patuloy na ipinakikita ng mga kabataang Pangasinense na ang edukasyon ay hindi lamang susi sa personal na tagumpay, kundi maaari ring maging daan upang makalikha ng mga pagbabagong may kabuluhan sa buhay ng iba. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments