Friday, November 27, 2026

Task force para tutukan ang problema ng mga pilotong natanggal sa trabaho, binuo ng DOLE

Bumuo ng task force ang Department of Labor and Employment (DOLE) upang tutukan ang labor dispute sa pagitan ng pamunuan ng AirAsia at grupo ng mga piloto.

Ito’y kasunod nang biglaang retrenchment o pagtatanggal sa 90 piloto ng naturang airline noong November 24 kung kailan ay hanggang December 31 na lamang ang pananatili nila sa trabaho.

Ayon kay DOLE Secretary Francis Tolentino, naghain ng notice of strike ang unyon ng mga piloto kung kaya’t agad niyang ipinatawag ang National Conciliation and Mediation Board.

Nais kasi ng kalihim na mapabilis ang pagresolba sa usapin.

Paliwanag ng kalihim, nagsimula ang sigalot noong February 2025 kaugnay ng petisyon para sa pagkilala sa isang grupo ng mga piloto at pagsasagawa ng certification election.

Sinabi ni Tolentino na pinag-aaralan na ng DOLE ang mga dokumento kung saan ngayong araw ay maghaharap ang AirAsia management at ang unyon para pag-usapan o ilatag ang maaaring solusyon.

Facebook Comments