
Binigyang-diin ng Akbayan Party-list na kailangan ay sumasabay din ang pagresponde ng gobyerno sa iba’t ibang porma ng insidente ng karahasan at pang-aabuso na umuusbong sa panahon ngayon.
Sa isang press conference ngayong Biyernes ng umaga, ipinaliwanag ng Akbayan Party-list ang kahalagahan ng pagsasabatas ng Batang Ligtas Law, Bawal Bastos Law, at Expanded Anti-Violence against Women and Children Act, para protektahan ang mga bata at kababaihan, kasabay ng paggunita sa 18-Day Campaign to End Violence Aganis Women.
Ayon kay Akbayan Representative Dadah Ismula, na hindi sapat ang pagkakaroon ng proteksyon sa papel, bagkus ay dapat din umano itong maramdaman ng mga bata at kababaihan sa barangay, at sa loob ng paaralan at tahanan oras na maisabatas na.
Paglilinaw nila, mahalaga ang pagkakaroon ng batas, pero mas mapapalakas umano ang ngipin ng batas kung alam ng taumbayan, lalo na ng mga bata at kababaihan, kung paano nila ito magagamit para protektahan ang kanilang sarili laban sa mga salarin.
Gaya ng pagkakaroon ng seminar o programa sa mga barangay, para ipaliwanag kung paano at bakit nagiging target at biktima ng online harassment, grooming, deepfakes, at technology-facilitated abuse ang mga bata at kababaihan at paano ang proseso ng pagre-report nito sa mga awtoridad maging ang pagkakasa ng gobyermo ng konsultasyon sa mga komunidad.
Ayon sa Akbayan Party-list, “urgent issue” ngayong taon ang pagsasabatas ng tatlong panukala, dahil na rin sa sunod-sunod na insidente ng karahasan sa mga paaralan.










