Pulis na nag-viral dahil sa pagpasok sa ilang bahay at nanakit ng mga residente, sinampahan na ng patong-patong na kaso

Patong-patong na kaso ang isinampa ng Quezon City Police District laban sa nag-viral na police officer sa social media dahil sa pangha-harass at pagpasok sa ilang bahay sa Barangay Damayang Lagi habang lango sa alak.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director, PMGen. Anthony Aberin, kasong physical injuries, violation of domicile at grave threat ang isinampa sa QC Prosecutor’s Office laban kay Police Staff Sgt. Jordan Marzan.

Makikita sa viral video ang pagpasok ni Marzan sa isang pribadong bahay na nanakit pa ng isang menor de edad.

Hinahanap umano ni Marzan ang isang alias Dimple na nagpapakalat umano ng impormasyon na siya ay sangkot sa illegal na drug operation.

Kinumpirma ni Aberin na ang pagpataw ng administrative relief kay QCPD Director Police Brig. Gen. Melecio Buslig Jr. ay dahil sa kabiguan nitong agad na i-report ang naturang insidente.

Tiniyak na Aberin na hindi niya kukunsintihin ang mga abusadong tauhan.

Facebook Comments