Hindi raw kukunsitihin ng Manila Police District ang isa sa kanilang tauhan na nakunan ng video na namamalo at nambabanta ng mga residenteng lalabas ng kani-kanilang tirahan habang umiiral ang enhanced community quarantine.
Umabot na raw kay MPD director Brig. Gen. Rolando Miranda ang pangyayari at nangakong paiimbestigahan niya ito.
“The leadership of Manila Police District will neither tolerate nor condone any wrongdoing of any of our Policemen while strictly implementing the Enhanced Community Quarantine,” pahayag ni Miranda.
Sa kuhang video ng isang concerned citizen, makikitang pinapalo ng parak ang ilang sibilyan mula sa Muslim Town, sa Quiapo.
Maririnig pa raw ang pagmumura ng pulis at sinabing babarilin niya ang sinumang lalabas sa kalye.
Nagpakita naman ng quarantine pass ang isang residente pero imbis na payagang lumabas, hinampas din siya ng abusadong kawani.
Kaagad naging viral sa social media ang naturang insidente na unang ibinahagi ng mga mamamahayag na nagko-cover sa lugar.
https://youtu.be/HFtKwldkzVE
Kinilala ang parak na nasa video na si Lt. Col. Rey Magdaluyo, hepe ng Sta. Cruz police station.
Sa isang panayam, sinabi ni Magdaluyo na wala siyang pagsisisi sa naging aksyon dahil sobrang pasaway ng mga residente.
Nanawagan naman ang MPD sa mga Manilenyo na manatili muna sa loob ng mga tahanan para malabanan ang pagkalat ng nakakawang coronavirus disease 2019 (COVID-19).