QC MTC, ibinasura ang mga kaso laban sa ilang opisyal ng grupong PISTON at Manibela

Ibinasura ng Quezon City Metropolitan Trial Court (QC MTC) Branch 136 ang mga kasong isinampa laban sa ilang opisyal ng grupong PISTON at Manibela.

Nag-ugat ang kaso sa kaugnay sa inilunsad nilang tigil-pasada noong Agosto na nagparalisa sa transportasyon at mag-rally nang walang permit.

Magugunita, sinampahan ng kasong paglabag sa Public Assembly Act sina PISTON President Mody Floranda, Manibela Chairperson Mar Valbuena, at tatlong iba.


Pero sa inilabas na desisyon ng korte, wala itong nakitang sapat na basehan para madiin sa kaso ang mga nabanggit na transport leader.

Hindi umano sapat ang mga ipinrisintang mga ebidensyang litrato kung saan makikitang kausap ng mga transport leader ang mga pulis para patunayang naging magulo ang protesta.

Sa usapin naman ng kawalan ng permit, wala umanong criminal liability ang sinumang lumalahok sa mapayapang pagtitipon.

Bukod dito ay hindi rin napatunayan ng prosekusyon na nagkaroon ng pag-uusap o sabwatan ang mga transport leader para paralisahin ang transportasyon.

Iginagalang naman ng Quezon City Police District (QCPD) ang desisyon ng korte.

Facebook Comments