Naghahanda na ang Manila Police District (MPD) sa inaasahang dagsa sa mga mall, pasyalan at mga simbahan ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Ayon kay MPD Director Police Brigadier General Arnold Thomas Ibay, nasa dalawang libong tauhan ang ipakakalat sa iba’t ibang lugar sa lungsod.
Kabilang din sa mga lalagyan ng mga pulis na magbabantay ang mga bus station sa Maynila lalo na’t asahan na ang dagsa ng mag-uuwian ng mga probinsya para doon ipagdiwang ang holiday season.
Samantala, hindi aniya magtatapos sa Bagong Taon ang kanilang gagawing paghahanda dahil isusunod naman ang nalalapit na Traslacion o Pista ng Itim na Nazareno.
Nasa milyon-milyong deboto ang dumaragsa tuwing January 9 para makiisa sa pagdiriwang at prusisyon mula Quirino Grandstand hanggang Quiapo Church.