Tinitingnan ng mga awtoridad na masampahan ng kaso ang mga recruitment agency na sangkot sa pag-hire kay Jullebee Ranara, ang Pinay domestic worker na pinatay sa Kuwait.
Sa isang media briefing, sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Undersecretary Bernard Olalia na sa darating na Linggo ay sasampahan ng recruitment violation case ang mga recruitment agency ni Ranara.
Ito ay dahil sa umano’y lapses ng mga naturang agency sa pagmo-monitor sa status ni Ranara sa Kuwait.
Ayon kay Olalia, magpupulong din ang mga opisyal ng gobyerno kasama ang mga kinatawan ng local recruitment agencies na namamahala sa mga household service worker na ipinadala sa Gulf State.
Dito ay tatalakayin ang lahat ng mga concern hinggil sa kanilang deployment.
Samantala, magpapadala rin ang DMW ng isang fact-finding team sa Kuwait upang tingnan ang mga kasong kinasasangkutan ng mga Filipino worker doon.