
Iminungkahi ni Senator Lito Lapid sa Department of Agriculture (DA) ang agarang pagpapatupad ng rescue-buy scheme sa mga produktong agrikultura na pwede pang anihin at mapakinabangan.
Ipinanawagan ito ni Lapid kay Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel makaraang manghinayang sa mga itinatapon at nasisira lang na mga gulay mula sa Benguet tulad ng repolyo at carrots.
Inirekomenda ni Lapid na magsagawa ng programa ang DA kung saan ay ipamamahagi sa mga kababayan nating mga nasa evacuation centers na apektado ng kalamidad ang mga gulay na mabibili mula sa ating mga magsasaka.
Suhestyon pa ng senador na pag-aralan kung paano magagamit ng mga nag-aalaga ng hayop at mga magsasaka ang mga maisasalbang gulay na hindi na puwedeng ikunsumo dahil hindi mapakinabangan matapos masalanta ng bagyo at habagat.
Kung bibilhin aniya ng DA ang mga gulay, malaking tulong din ito sa mga magsasaka sa Benguet para mabawi ang kanilang puhunan at gastusin sa pagtatanim at pag-aalaga ng mga gulay.










