RETIRADONG PULIS AT ANAK NA LULAN NG TRAYSIKEL, PATAY NANG MASALPOK NG PICK-UP

19

Cauayan City, Isabela- Patay ang isang retiradong pulis at ang kanyang anak matapos salpukin ng kasalubong na pick-up na minamaneho ng isang pulis ang kanilang sinasakyang traysikel sa kahabaan ng Brgy. Gosi Norte, Tuguegarao City, Cagayan.

Nakilala ang mag-amang nasawi na sina Ret. PNP member Rodolfo Galang at Karen, 24 taong gulang na kapwa residente ng Brgy. Cubag, Cabagan, Isabela.

Ang driver naman ng pick-up ay nakilalang si PMSg Ryan Binalay, 37 taong gulang, residente ng Brgy. Balug, Tumauini, Isabela at nakatalaga sa Isabela Provincial Crime Laboratory sa Lungsod ng Ilagan.


Batay sa imbestigasyon ng PNP Tuguegarao, pasado alas singko kaninang madaling araw, habang binabaybay ni Binalay ang kalsada ay nawalan umano siya ng control sa manibela kaya’t dumeretso at nabangga ng kanyang sasakyan ang kasalubong na traysikel.

Wasak ang lulan na traysikel ng mag-ama habang nagtamo rin ng mga yupi ang pick-up ni Binalay na nahulog naman sa kalsada dahil sa insidente.

Naisugod naman sa ospital ang mag-amang biktima subalit idineklarang dead on arrival ng umasikasong doctor dahil na rin sa mga natamong matinding pinsala sa kanilang katawan.



Facebook Comments