Naniniwala si Senator Francis “Chiz” Escudero na nasa tamang direksyon ang plano ng Marcos administration na magsagawa ng rightsizing o pagbabawas ng ahensya sa gobyerno para makatipid.
Para kay Escudero, tama na gawin ang rightsizing – hindi lang para makatipid ang pamahalaan kundi para mas maging efficient o mahusay ang serbisyo ng pamahalaan.
Sabi ni Escudero kailangan lang pag-aralang mabuti kung anong mga posisyon ang doble-doble at hindi na kailangan at dapat ding tiyaking mabibigyan ng tamang kompensasyon ang mga empleyadong maaapektuhan, bukod pa sa makukuha nilang benepisyo mula sa Government Service Insurance System.
Ayon kay Escudero, mahaba at mahirap ang proseso para sa maisakatuparan ang rightsizing at tiyak na marami ang kokontra.
Sa kabila nito ay umaasa si Escudero na titindigan ito ni Budget Secretary Amina Pangandaman dahil ito ay para sa ikabubuti ng bansa at mamamayan.