Mariing pinabulaanan ni San Juan City Mayor Francis Zamora na tumatanggap siya ng “cut” o porsiyento mula sa ayudang nakukuha ng mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay para sa Disadvantaged/Displaced workers o TUPAD.
Sa press conference kahapon, iginiit ni Zamora na hindi hawak ng LGU ang pondo para sa sweldo ng TUPAD beneficiaries.
Kinuwestiyon din niya kung bakit ngayon lang inilabas ang isyu gayong dalawang taon na pala mula nang lumabas ang mga video ipinrisinta ni Senator JV Ejercito sa kanyang privilege speech sa Senado noong Martes.
Gayunpaman, handa umano ang alkalde na dumalo sakaling imbitahan siya sa gagawing imbestigasyon ng Senado.
Hinimok din ni Zamora ang mga tao sa video na magtungo sa kanyang opisina at magbigay ng salaysay ukol sa umano’y “ayuda scam.”