Pinabibigyan ng Kamara ng insentibo at mga benepisyo ang lahat ng mga tinatawag na “force multipliers” ng Philippine National Police (PNP).
Sa House Bill 10586 ni Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado, iginiit dito na mahalaga ang trabaho ng PNP-force multipliers lalo na sa pagkakaloob ng serbisyo sa publiko.
Tinukoy na sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic, ang mga force multipliers ang naka-deploy para sa mahigpit na implementasyon ng mga border control.
Pero dahil boluntaryo sila, ay karaniwang mabababa ang natatanggap o wala talagang bayad.
Sa isinusulong na panukala ay bibigyan ang bawat force multipliers ng buwanang allowance na P2,500.
Bukod pa ito sa pagbibigay sa kanila ng libreng serbisyong medikal, mga gamot, at libreng legal service mula sa Public Attorney’s Office o PAO kapag naharap sa kaso na may kinalaman sa kanilang trabaho.
Ang lahat ng sweldo, kompensasyon at katulad para sa force multipliers ay isinusulong din na gawing “tax free” o libre sa income tax.