Sinimulan na ng Mababang Kapulungan ang pagtalakay sa magiging latag ng seguridad para sa ikalawang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa July 24.
Tinalakay ito sa pakikipagpulong ni House Sergeant-at-Arms Retired PMGen. Napoleon Taas sa mga kinatawan ng Presidential Security Group (PSG), Metro Manila Development Authority (MMDA), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at Office of the Sergeant-at-Arms ng Senado.
Pangunahing tinalakay ang ipatutupad na safety at security measures sa araw ng SONA gayundin ang pagsasaayos ng daloy ng trapiko.
Magugunita na sa unang SONA ni PBBM ay halos 22,000 pulis ang ipinakalat na syang namahala sa seguridad at kaayusan bukod sa nagpatupad din ng lockdown sa Batasang Pambansa.
Bukod dito ay nakipagpulong naman ang Press and Public Affairs Bureau ng Kamara sa pangunguna ni Media and Public Affairs Service Director Joaquin Romeo Santiago, sa technical teams ng mga television networks.
Ayon kay Director Joaquino, mahalaga ang papel ng media para matiyak na makakarating sa mamamayan ang tama at sapat na impormasyon tungkol sa SONA at iba pang kaganapan sa Kongreso.