Wednesday, April 15, 2026

Tulong sa middle class, tinututukan na rin ng UPLIFT committee

Tiniyak ng Department of Finance (DOF) na hindi nakakalimutan ng pamahalaan ang middle income class sa gitna ng hinaing ng ilang taxpayers na hindi sila direktang nakakatanggap ng ayuda.

Sa Malacañang press briefing, sinabi ni DOF Usec. Karlo Fermin Adriano, isa ito sa dahilan kung bakit hindi basta-basta maaaring alisin ang excise tax sa diesel dahil mas napapakinabangan ito ng mga mayayaman.

Kung aalisin ang excise tax, aabot sa ₱50 bilyon ang mawawalang pondo na sana’y maibibigay na tulong sa vulnerable at middle income sectors.

Ayon kay Adriano, bagama’t inuuna muna ang pinaka-apektadong sektor, kasama na sa pinag-uusapan ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food and Transport (UPLIFT) Committee ang posibleng tulong para sa nasabing sektor.

Pinababa na aniya ang ports at toll fees sa logistics, na nakakatulong para mapigilan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo habang may iba pang opsyon na pinag-aaralan para sa middle income class, pero ang pangulo ang mag-aanunsyo nito.

Facebook Comments