Tuesday, April 14, 2026

P125-M na confidential funds ng OVP, pinamahagi ni Ramil Madriaga sa loob ng halos 24 oras

Isiniwalat ni Ramil Madriaga sa impeachment hearing ngayon ng House Committee on Justice na ipinamahagi niya sa loob lamang ng halos 24 na oras noong December 2022 ang ₱125 million na confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).

Taliwas ito sa lumabas na impormasyon na sa loob ng 11 araw naubos ng OVP ang nabanggit na halaga.

“A few years later, I read from several media reports that the One Hundred Twenty-Five Million Pesos (₱125,000,000.00) OVP confidential funds in 2022 were reportedly utilized in just eleven (11) days. This is wrong because I personally disposed of the money in less than twenty-four (24) hours”

Base sa affidavit ni Madriaga na kanyang binasa sa impeachment hearing ng House Committee on Justice, kinuha nila ang pera na laman ng malalaking bag sa Department of Education central office sa Pasig City at inihatid sa iba’t ibang lugar sa Laguna at Quezon City batay sa utos ni VP Sara.

Sa kanyang testimonya, binanggit din ni Madriaga na ilang beses siyang naghatid ng malalaking halaga ng salapi sa Office of the Ombudsman, partikular umano kina Ombudsman Samuel Martires at Assistant Special Prosecutor Ryan Rey Quilala.

Kinuwento din ni Madriaga na pinagbukas siya ng account sa iba’t ibang bangko at ginamit siyang dummy ng mga Duterte para umano sa money laundering at pag-transfer ng malalaking halaga ng salapi.

Facebook Comments