Sen. Hontiveros, tahasang sinabi na nagsinungaling sa pagdinig ng Senado ang mayor ng Bamban, Tarlac

Diretsahang sinabi ni Senator Risa Hontiveros na nagsinungaling sa harap ng mga senador si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Sa ginanap na pagdinig kahapon patungkol sa human trafficking at cyber-fraud operations, sinabi ni Hontiveros na maraming pagkakataon na nagsinungaling kahapon si Guo sa kanyang mga testimonya.

Unang-una aniya rito ang mariing pagtanggi ni Guo na may koneksyon siya sa Hong Sheng Gaming Inc. na ni-raid noong Pebrero 2023 pero ito ay taliwas sa mga dokumento sa munisipyo na siya ang nakalagay na representative ng naturang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).


Maliban dito, wala ring maipakita na hospital record ng kapanganakan si Guo at pinanganak aniya siya sa bahay pero hindi naman maibigay ang address kung saan.

Bukod dito, late ring naiparehistro ang live birth nito sa edad na 17 taong gulang at hindi rin maipakita ng mayora kung ano o sino ang kanyang home-school provider gayong ang claim ni Guo ay elementary hanggang high-school ay naka home-schooled siya.

Matatandaang kahapon ay mariin namang pinabulaanan ni Guo sa mga senador na protector o nagkakanlong siya ng mga POGO at wala aniya siyang kinalaman sa operasyon at mga gawain ng mga POGO.

Facebook Comments