Senador, bukas na imbestigahan ang mga opisyal ng PNP at PDEA na sinasabing nagpapabuya ng mga nakumpiskang iligal na droga

Bukas si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na imbestigahan ang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na sinasabing sangkot sa pagpapabuya ng portion o bahagi sa nakumpiskang iligal na droga sa kanilang mga informant.

Naunang ibinulgar ni PDEA Director General Moro Virgilio Lazo sa isang pagdinig na may mga police asset, informants at PDEA agents ang sinasabing nagtatabi ng kanilang mga nakumpiskang iligal na droga para maibenta.

Ayon kay Dela Rosa, kung totoo man ito ay dapat na maimbestigahan ang nasabing alegasyon sa PNP at PDEA.


Giit ng senador na siyang Chairman ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs, masama ito dahil mistulang ang mga operatiba pa ang pasimuno ng sirkulasyon ng iligal na droga.

Aniya, walang katapusang problema ito kapag nagkataon dahil ang ire-reward na 30% ng nakumpiskang illegal drugs ay tiyak na inenegosyo ng informant.

Punto pa ni Dela Rosa na dating PNP chief, kailanman ay hindi naging polisiya ng gobyerno na bigyan ng pabuya ang mga civilian assets ng iligal na droga.

Facebook Comments