Monday, May 4, 2026

Senador, isiniwalat na may pananakot sa mga mambabatas na hindi boboto sa impeachment case laban kay VP Sara

Ibinulgar ni Senator Imee Marcos na may pananakot ngayon sa mga mambabatas para bumoto ng pabor sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Sen. Marcos, may banta na i-fo-for later release o itetengga ang mga proyekto ng mga kongresista at mga senador at kung hindi susunod ay kakasuhan sa Ombudsman.

Tanong ng senadora, pananakot ba itong ginagawa sa mga mambabatas para bumoto sa impeachment laban kay VP Sara.

Sinabi pa ni Sen. Imee na walang duda na aakyat talaga sa Senado ang impeachment case laban sa bise presidente dahil madali lang naman makakuha ng 1/3 na boto sa Kamara.

Katunayan aniya, inaabangan na nila ang impeachment at tungkol dito sana ang pagpupulungan ng minorya kanina subalit marami sa mga myembro ang hindi nakahabol.

Naunang sinabi ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na magkakaroon ulit sila ng meeting ngayong linggo para talakayin ang tungkol sa impeachment trial.

Facebook Comments