
Hiniling ni Senator Erwin Tulfo sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na imbestigahan ang napaulat na diskriminasyon sa pamamahagi ng ayuda sa Cebu.
Tinukoy ni Sen. Erwin ang reklamo ng isang residente sa Purok Isla Verde sa Talisay City, Cebu na idineklara ng isang opisyal ng barangay na “partially damaged” o bahagyang nasira ang kanyang bahay gayong ang totoo ay wasak ang kanyang bahay matapos abutin ng baha dahil sa Bagyong Tino.
Giit ni Tulfo, na dating nagsilbi bilang DSWD Secretary, na nakalulungkot at nakakagalit na may mga tauhan ng barangay na namimili sa pagbibigyan ng ayuda at hindi lamang ito ang unang pagkakataon na mayroong diskriminasyon sa mga biktima ng kalamidad.
Dagdag pa ng mambabatas, double whammy ito sa mga kababayan na biktima na ng kalamidad at magiging biktima pa ng manipulasyon ng pamamahagi ng ayuda.
Binigyang-diin ni Tulfo na hindi palalagpasin ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang mga ganitong gawain sa ayuda.









