Ibinahagi ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang ginawang ‘ghosting’ sa kanya ng director ng Philippine General Hospital (PGH) na si Dr. Gap Legaspi.
Ayon kay Pimentel, nangyari iyon huling linggo ng Marso 2020 kung saan nagsisimula na ang pagkalat ng COVID-19 at nahirapan sila sa paghahanap ng ospital na pag-aanakan ng kaniyang asawa.
Pinaasa umano siya ni Dr. Legaspi na maaaring dalhin sa PGH ang kaniyang maybahay na manganganak na noon at gusto nilang ilipat sa isang ospital sa Makati kung saan sila nagkaisyu.
Bigla na lamang umano siyang hindi sinagot sa text at Viber ng doktor at walang dumating na ambulansya kaya direktang tinanong nito sa budget deliberation ng PGH kung gusto ba ng director na masawi ang kaniyang asawa at anak.
Nababahala si Pimentel na kung siya ay nakaranas ng ganito ay higit lalo ang mga ordinaryong tao.
Sinagot naman ng PGH sa pamamagitan ni Senator Pia Cayetano na siyang nagprisinta ng kanilang budget sa plenaryo ang hinaing ni Pimentel na posibleng natabunan ng mga mabilis na pangyayari ang mga mensahe ng senador kasama dito na ginawang COVID-19 referral hospital ang PGH at tinatanggihan muna ang mga hindi COVID-19 patients.
Pinagsusumite naman ng Senado si Dr. Legaspi ng written explanation para ipaliwanag ang pangyayari lalo’t sila ay mga public servants.