Senator Bato Dela Rosa, suportado ang bagong kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga

Suportado ni Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang bagong bihis na kampanya kontra iligal na droga na BIDA o “Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan”.

Ang bagong paraan sa pagsugpo sa iligal na droga ay kabaligtaran sa pamamaraan ng dating Duterte administration kung saan kamay na bakal ang pinairal laban sa mga sindikato at gumagamit ng iligal na droga.

Sinabi ni Dela Rosa, na siyang Philippine National Police (PNP) chief noong kasagsagan ng Oplan Tokhang, suportado niya ang bagong kampanya kontra illegal drugs.


Aniya, kanya-kanyang diskarte ito ng bawat pamahalaan at umaasa siyang magiging matagumpay ang nasabing kampanya.

Pero hirit ni Dela Rosa na isabay rin sana sa kampanya ang pagbabawas sa demand at suplay ng iligal na droga at hindi lamang tumutok sa isang aspeto ng mga aktibidad na pwedeng pagkakaabalahan para makaiwas sa droga.

Sa ilalim ng BIDA na bagong kampanya kontra iligal na droga na inilunsad ng Department of the Interior and Local Government (DILG), sports at youth programs ang bibida kasabay ng pagpapaigting sa rehabilitasyon ng mga drug users.

Facebook Comments