Tiniyak ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na agad iimbestigahan ang serye ng pagdukot at laganap na pagpatay sa bansa.
Ayon kay Dela Rosa na Chairman ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs, kapag naisumite na sa kanyang komite ang resolusyon na inihain para silipin ang mga krimen ng kidnapping at pagpaslang ay agad niyang isasalang ito sa pagdinig.
Aminado ang senador na naa-alarma siya sa sunud-sunod na kaso ng pagdukot at pagpaslang ng mga inosenteng biktima.
Kinalampag din ni Dela Rosa ang Philippine National Police (PNP) na agad kumilos sa serye ng mga krimen dahil aniya sa ngayon ay pakiramdam ng mga kriminal na sila ay palaging makakatakas mula sa mga awtoridad.
Napuna rin ng senador ang paglaganap ng krimen mula ng bumaba sa pwesto si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, kinatigan din ni Dela Rosa ang naunang pahayag ni Vice President Sara Duterte na huwag magpakita ng awa sa mga kriminal at mga terorista.