Mandaluyong City – Pinapurihan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang lokal na pamahalaan ng Mandaluyong sa ginagawa nitong pagpapatupad ng anti-smoking ordinance sa lungsod.
Ang Ordinance no. 671, na tinatawag ding “Comprehensive Smoke-Free Ordinance of the City of Mandaluyong”, ay naipasa at naaprubahan ng sangguniang panlungsod ng Mandaluyong noong July 17, 2017.
Layunin nitong i-regulate ang paggamit, pagbebenta, pamamahagi at paglalathala ng sigarilyo at iba pang tobacco products sa lungsod.
Ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim, binibigyang pagkilala ng ahensya ang pagsusumikap ng Mandaluyong sa promosyon ng maayos na kalusugan at mabawasan ang pamamayani ng sakit na may kinalaman sa paninigarilyo.
Ang Smoke-Free Task Force (SFTF) ng Mandaluyong katuwang ang MMDA ay masipag na mino-monitor ang pagbebenta ng mga tobacco products sa mga pampublikong establisyimento, lalong-lalo na ang mga malapit sa mga eskwelahan.
Ang SFTF ay binubuo ng kapulisan, kawani ng lungsod at mga opisyal ng barangay.
Noong nakaraang taon, umabot sa 6,283 indibidwal ang nahuling naninigarilyo sa pampublikong lugar habang 292 na may-ari ng tindahan ang nahuling nagbebenta ng sigarilyo malapit sa eskwelahan.