Sugatang pulis-Caloocan, binisita at pinarangalan ni PNP Chief Dela Rosa

Manila, Philippines – Nakatanggap ng medalya ng sugatang magiting ang isang bagitong pulis matapos na pagsasaksakin ng kanyang inaarestong suspek na sa huli ay kanya ring napatay sa Caloocan City.

Mismong si PNP Chief Ronald Bato Dela Rosa ang nagkabit ng medalya sa dibdib ni PO1 Ronald Anicete na ngayon nanatiling ginagamot sa Chinese General Hospital sa Maynila.

Si PO1 Anicete ay nakatalaga sa Police Community Precint 1 ng Caloocan Police Office.


Ayon kay PNP Chief Dir. Gen. Ronald Dela Rosa, ang ginawa ni PO1 Anicete ay patunay na hindi lahat ng police Caloocan ay puro kalokohan ang ginagawa, may ilan pa rin aniya ang maayos ang pagtatrabaho.

Nanawagan naman si Dela Rosa sa lahat ng pulis na tularan ang naging aksyon ni Anicete na sa halip iputok agad ang kanyang baril sa suspek na may hawak patalim ay pinilit niya pa nitong mapahinahon.

Nagtamo ng ilang saksak sa katawan si Anicete bago nito pinagbabaril ang suspek na agad ding nasawi.

Maliban sa medalya, nagkaroon din ng meritorious promotion si Anicete, ibig sabihin magiging PO2 na ang kanyang ranggo.

Facebook Comments