Hindi sang-ayon si National Security Adviser Hermogenes Esperon sa suhestyon ng mga kritiko na gamitin ang pondo ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa kampanya kontra sa COVID- 19.
Sa isinagawang press conference ng NTF-ELCAC, sinabi ng kalihim na “self-serving” ang suhestyon at pawang pamumulitika para manligaw sa mga botante sa darating na eleksyon.
Hindi lang naman umano COVID-19 ang problema ng bansa, at hindi dapat pabayaan ang mas matagal ng problema ng insurhensya, at iba pang “concerns” tulad ng ekonomiya, kriminalidad, ilegal na droga, at pangangalaga sa soberenya.
Para kay Esperon, mas dapat pa ngang dagdagan ang pondo ng NTF-ELCAC dahil “deserve” ng mga dating napabayaang barangay ang higit sa ₱20 milyong inilaan para sa kanila sa ilalim ng Barangay Development Program (BDP).
Ang BDP ay flagship program ng NTF-ELCAC kung saan P16.44 billion ang inilaan para sa mga proyektong pangkaunlaran sa 822 barangays na na-clear ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa impluwensya ng mga teroristang komunista mula 2016 hanggang 2019.