Manila, Philippines – Hinimok ni House Appropriations Committee Chairman Karlo Nograles ang pangasiwaan ng National Food Authority (NFA) na siguruhin ang maayos na pamamahagi ng inangkat na bigas sa harap ng napabalitang pagpayag ng NFA Council sa importasyon ng 250,000 metriko toneladang bigas sa pamamagitan ng open tender.
Layon nitong maiwasan ang mga problema sa naunang importasyon gaya ng pagkabinbin sa mga barko, kabagalan ng distribusyon at ang sabotahe ng pesteng bukbok.
Ayon kay Nograles, dapat na natuto ng leksyon ang NFA sa kanilang mga dating pagkakamali para ang mga papasok na suplay ng bigas ay makatugon sa pangangailangan ng bansa.
Kung maipapamahagi ng maayos ang nasabing inangkat na bigas, papatatagin nito ang suplay sa bansa at papababain nito ang presyo sa tamang level upang mapigilan ang pagsirit ng inflation rate.
Dapat din anyang siguruhin na ang panibagong importasyon ng bigas ay mapupunta kung saan ito kinakailangan, lalo na sa mga probinsiyang walang palayan at mga malalayong kanayunan.