Umapela si Camarines Sur Rep. Gabriel Bordado sa Kongreso at sa gobyerno na agad tugunan ang nakaka-alarma at talamak na “call/text spam at scams” sa ating bansa.
Si Bordado ay isa din sa mga nabiktima ng naturang scam kung saan may tumawag sa kanya at nagpakilalang kongresista at humingi ng tulong pinansyal para sa isang “convention” ng mga farmer leaders.
Dahil pakilala ay kapwa niya mambabatas, nakumbinsi si Bordado na magbigay ng 10 libong piso na idinaan niya sa Gcash.
Pero ng personal na makausap ni Bordado ang naturang kongresista ay itinanggi nito ang pagtawag at paghingi ng pera.
Sabi ni Bordado, may isa pang tumawag sa kanya, na nagpakilala ding kongresista at humihingi ng ₱70,000 na hindi na niya pinagbigyan.
Giit ni Bordado, dapat kumilos na ang kinauukulang ahensya ng pamahalaan habang may mga resolusyon na sa Kongreso ang nakahain na nagsusulong ng imbestigasyon.
Nangangamba si Bordado na kung hindi agad masosolusyunan ang mga panloloko sa pamamagitan ng pagtawag at pagtext ay mas lalo pa itong lumalala at mas marami pa ang mabiktima lalo’t papasok na ang panahon ng Kapaskuhan.