TALIPAPA NA INIREREKLAMO NG MGA VENDOR SA PRIMARK, NAGPALIWANAG

Itinanggi ng mga talipapa vendor ang akusasyon ng ilang mga may pwesto ng karne at gulay sa pamilihang lungsod ng Cauayan na sila umano ang dahilan kung bakit bumababa ang bilang ng mga mamimili sa palengke.

Ayon kay aling Rona, isa sa mga may-ari ng talipapa sa District 3, marami umanong dahilan kung bakit maaaring nababawasan ang bilang ng mga mamimili na pumupunta sa palengke.

Aniya isa na rito ang isyu sa parkingan sa naturang pamilihan.

Dagdag niya, mas pinipili ng ilan ang mamili na lamang sa mga talipapa dahil hindi na mahihirapan ang mga may-ari ng sasakyan sa paghahanap ng parking spot dahil parang drive thru na lamang umano ang pamimili sa talipapa na hindi na nila kailangan pang bumaba.

Isa rin aniya sa dahilan ay ang pamasahe.

Ayon kay aling Rona, sa mahal umano ng bilihin ngayon ay mas pipiliin na lang talaga ng mga konsyumer ang mamili sa malapit kaysa gumastos ng nasa P50 para sa pamasahe.

Kaugnay nito, ayon naman kay aling Marie isa rin sa mga may-ari ng talipapa sa Centro, kung tutuusin umano ay mas mahal pa ang kanilang paninda dahil ang lahat ng kanilang ibinebenta ay binibili lang din nila sa palengke.

Aniya, nagnenegosyo lamang umano sila at naghahanapbuhay para sa kanilang pamilya aya hindi na rin aniya nila kasalanan kung may mga mamimili na gustong bumili sa kanila.

Facebook Comments