Tinangkang patayin ng isang ama sa China ang aso ng anak dahil sa malaking bayarin sa pagpapagamot ng may sakit na alaga noong Oktubre 2.
Sa hiling ng anak, binili umano ng tatay sa murang halaga ang aso na nagkataong mayroong mga problema sa kalusugan, base sa ulat ng AsiaOne.
Ayon sa beterinaryo, mayroong sakit sa puso ang aso na apat na araw nang ginagamot sa ospital bago mangyari ang insidente.
Nasa 500 hanggang 600 yuan (o halos P3,600 – P4,300) ang halaga ng naunang gamutan, pero dahil kritikal ang lagay, pumayag ang beterinaryo na huwag na itong bayaran kung sakaling mamatay ang aso.
Sandali lamang ay bumuti rin nang bahagya ang lagay ng alaga at ipinaalam sa tatay na kailangang magbayad ng dagdag na 300 yuan (nasa P2,100).
Tumangging magbayad ang tatay at nagpumilit na iuwi na ang aso–na hindi pinayagan ng ospital, dahilan para magalit ang lalaki.
Makikita sa CCTV footage na inagaw ng tatay ang aso mula sa beterinaryo, ibinalibag sa sahig at saka pinagsisipa.
Tinulak palayo at pinaghahampas naman ng anak ang tatay para pigilin ang pambubugbog nito sa alaga.
Bago ang pananakit, sinabi ng tatay na “kung mamatay ang aso, hindi na kailangang magbayad, ‘diba?”
Nakaligtas naman ang aso at nasa maayos nang kondisyon, ayon sa mga ulat.