TAX ASSISTANCE CENTER, BINUKSAN SA BAYAMBANG

Upang mas mapadali ang proseso ng pagsasaayos ng buwis para sa mga residente at negosyante, naglunsad ang Bureau of Internal Revenue (BIR) Revenue District Office No. 4 ng isang Tax Assistance Center sa Business One Stop Shop sa Bayambang.

Ang nasabing assistance center ay binuksan upang magbigay ng direktang tulong sa mga taxpayer sa kanilang mga kinakailangang dokumento para sa Tax Year 2025, upang gawing mas mabilis, maayos, at mas madaling ma-access ang mga serbisyo ng BIR para sa mga residente ng Bayambang at mga kalapit na lugar.

Bukod dito, nagbibigay rin ang tanggapan ng tulong sa pag-update ng registration records at paggabay sa paggamit ng Online Registration and Update System (ORUS) ng BIR upang mas maging madali at mas sistematiko ang mga online transaction ng mga nagbabayad ng buwis.

Bukas ang nasabing Tax Assistance Center mula Martes at Huwebes hanggang April 15, 2026, sabay sa deadline ng paghahain ng Annual Tax Return.

Inaasahan na sa pamamagitan nito ay mas maraming taxpayer ang makakapagbayad ng buwis sa tamang petsa nang walang abala, habang inilalapit din ang serbisyo ng ahensya sa komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments